Huling mensahe sa nang-iwang mahal

9:52 PM Cassie 1 Comments

Alam kong maaaring huli na ang lahat,
ngunit sana'y pakinggan mo pa rin ako
kahit sandali lang.
Gusto ko lang mabawasan ang sakit,
gusto ko lang palayain ang sarili ko,
gusto ko lang matapos na ang lahat.

Baka sakaling pag nasabi ko na lahat,
maaari na akong magpatuloy
ng walang dala-dala.
Baka sakaling sa wakas,
maaari na akong maging masaya.
Baka sakaling pagkatapos nito,
maaari na akong magmahal ng iba.

Manatili ka sana,
kahit ngayon lang,
kahit sa huling pagkakataon.
Pangako,
huli na ito, mahal ko.
Pangako.

Alam kong wala nang mababago pa,
sa desisyon mong tuluyan nang lumisan.
Alam kong buo na ang iyong isipan,
na tuluyan akong iwan.
Alam kong wala na talaga,
kahit pagbali-baliktarin ko pa.

Gusto ko lang sabihin
na mahal kita,
mahal na mahal.
Pakiramdam ko,
kapag kasama kita,
buong-buo ang pagkatao ko.
Maaari akong maging sinumang naisin ko.
Maaari akong ngumiti
na parang hindi ko pa naranasan
ang pait sa nakaraan.

Gusto kong malaman mo
na ang lahat ng aking ipinakita sa'yo
ay totoo.
Totoo lahat kaya masakit,
sobrang sakit.
Mahal kita ng buong-buo,
labis pa nga siguro.

Sa kabila nang lahat,
sa dami nang napagdaanan,
nakuha mo pa ring humanap
ng ibang magpapangiti sa'yo
habang ako'y malayo.
Sa kabila nang lahat,
nakuha mo pa ring
itapon ang lahat ng meron tayo.
Sa kabila nang lahat,
ganito lang pala magtatapos.
Sana sinabi mo nalang.
Sana nagpakatotoo ka nalang.
Sana hindi na tayo umabot sa ganito.

Hindi ko alam kung bakit
kahit na sobrang sakit na,
hirap na hirap pa din akong bumitaw.
Hindi ko alam kung kailan
pero nalaman ko nalang sa sarili na
masyado na palang malalim ang nadarama.
Hindi ko talaga alam.

Pero pagkatapos ng lahat,
naisip kong sobra-sobra na talaga.
Hindi ko na kilala ang sarili ko
sa piling mo.
Panahon na para bumitaw,
para palayain ka,
at para palayain ang sarili ko.

Sana alam mong sa pagbitaw ko ngayon
at sa pag-iwan mo sa akin,
ay tuluyan nang magsasara
ang aklat kung saan nakasulat
ang ating mga pinagdaanan.
Dahil dito na magtatapos ang lahat.
Dito na matatapos ang lahat.
Wala na.

Mahal kita, oo
pero sa sandaling ito,
gusto ko lang malaman mo,
na kung sakaling maisipan mo
na nagkamali ka sa iyong pag-alis
at pagpili sa kanya,
wala ka nang babalikan.
Kung maisip mong gusto mo pa pala,
na ako pa rin pala,
gusto ko lang malaman mong
maaaring ikaw pa rin pala
pero hindi na pwede.
Masyado na akong maraming naibigay
halos wala nang natira para sa sarili ko.
Wala nang tayo.
Tanggap ko na.
Sana lang di ka magsisi.
Sana din tama ang desisyon ko.
Sana maging masaya na tayo pareho.

Mahal kita,
at di ko itatago yun.
Pero huli na ito,
kaya salamat.
Salamat sa lahat-lahat.
Paalam, mahal ko.





You Might Also Like

1 comment:

  1. sobrang sakit nmn nito, nsa sitwasyon ako ngaun ng mensahing ito, ,kaya ako dinala dto

    ReplyDelete