Mahal mo eh

11:58 PM Cassie 0 Comments

Bakit?
Bakit nga ba kailangang bumitaw
kahit mahal mo yung tao
at mahalaga sya sa'yo?
Bakit nga ba kailangan mo syang pakawalan
kahit na pakiramdam mo
ay di mo kakayanin?
Bakit kailangang palayain
ang taong gusto mong makasama
nang habambuhay?

Minsan kasi,
kahit gaano pa natin sila kamahal,
kahit gaano pa sila kahalaga para sa atin,
kahit gaano pa natin sila hindi kayang mawala,
gugustuhin mo bang kasama mo nga sya,
ngunit hindi naman sya masaya sa'yo,
hindi naman sya kontento sa piling mo?

Kinakailangan mong bumitaw
kasi gusto mong makitang ngumiti sya muli ng tunay.
Kinakailangan mong bumitaw
kasi hindi na ikaw ang nagpapasaya sa kanya.
Kinakailangan mong bumitaw
kasi mas nanaisin mong ikaw na lang ang mahirapan,
wag lang ang taong mahal na mahal mo.

Sa tingin ko,
ganon naman talaga pag nagmamahal ka diba?
Gugustuhin mong sumaya sya sa kahit anong paraan.
Minsan nga nalilimutan pa natin ang tunay na tayo
sa kagustuhan mapasaya ang minamahal.
Gugustuhin mong wag na syang masaktan,
dahil pakiramdam mo,
sa bawat hindi nya pagngiti,
sa bawat palihim na pagtulo ng kanyang luha,
ay sinasaksak ka sa lahat ng bahagi ng iyong katawan
nang paulit-ulit.

Paano mo makakayang makasama sya araw-araw
kung alam mong puso mo lang ang masaya?
Ang pag-ibig na totoo
hindi ipinagdadamot ang kasiyahan ng minamahal.
Kaya nga kahit ayaw nating bumitaw,
bibitaw pa rin tayo
kasi yun ang dapat,
yun ang kailangan,
at higit sa lahat,
yun ang magpapasaya sa mahal natin,
yun ang magbabalik ng tamis sa kanyang mga ngiti,
yun ang magdadalang muli ng kinang sa kanyang mga mata.

Gusto mong ikaw ang piliin nya
sa pagkakataong pinapalaya mo na sya,
pero alam mong hindi yun ang gagawin nya
dahil ito ang tunay nyang nais:
ang makawala na sa isang relasyong wala nang pagmamahal,
ang matapos na ang kanyang madidilim na araw sa piling mo.
Pinili nya lamang na wag sa'yong sabihin
sa haba ng panahon,
dahil mahal ka rin naman nya,
hindi na nga lang tulad ng pagmamahal mo sa kanya.

Kailangan tanggapin
na hanggang dito nalang kayo,
na ang kwento nyong kay tagal ninyong binuo
ay hindi na muling madudugtungan.
Wala na,
dahil dito na nagtatapos ang lahat.
Hindi mo na sya kailangang pigilan pa
sa kanyang pag-alis,
dahil mahal mo sya
at sa kanyang pag-alis
ay doon nya mahahanap
ang tunay na magpapasaya sa kanya.
Kailangan nang bumitaw,
dahil mahal mo sya
ngunit hindi kayo ang para sa isa't isa.


You Might Also Like

0 comments: