Huli na
Ilang taon na pala ang lumipasmula nang gabing tuluyan kang lumisan
sa aking paningin, sa aking buhay.
"Hindi na ikaw, may iba na. Patawad,"
ang mga salitang binitawan mo
bago ka lumakad palayo.
Kahit ulit-ulitin ko sa aking sarili ang salitang patawad,
ang sakit pa din dahil pakiramdam ko,
sinabi mo lamang iyon, para matapos na,
upang sa wakas ay matapos na.
Ang bilis at tila kailan lang
ay tinititigan ko pa ang aking sarili sa salamin
na parang hindi ko na makilala ang babaeng nakikita ko.
Iba na ako, ibang-iba na.
Ngunit bigla-bigla na lamang
ay ika'y bumalik...
"Di ko kaya...di ko pala kaya,"
ang mga katagang sinambit mo sa akin
nang muli tayong nagkita.
Hindi ko maintindihan ang naramdaman ko,
basta alam kong iba iyon kaysa dati.
Napakasarap marinig mula sa'yo
ang mga salitang ninanais kong marinig noon pa man,
ngunit ilang taong huli na ang mga salitang
iyong sinambit, huling-huli na.
"Sana bago mo ako binitawan, naisip mo munang
di mo kaya, na di mo pala kaya dahil ngayon,
wala na, wala na,"
ang aking naging tugon.
Aaminin ko,
napakatagal kong hinintay ang pagbabalik mo,
at marinig na ako pa rin, na ako naman talaga
simula palang.
Kaya lang nahuli ka eh,
nahuli ka nang dating.
Dahil may iba nang sumalo
sa pusong iniwan mo sa ere.