Sabi mo 'di ka aalis

8:21 PM Cassie 0 Comments

Anong nangyari?
Ilang taon na ang dumaan simula nung bitawan mo ang pangako mong di ka aalis, di ka mapapagod, di mo ko iiwan.
Anong nangyari?
Bakit bigla ka nalang umalis ng walang pasabi?
Bakit bigla ka nalang nang-iwan sa ere?
Binigay ko lahat ng kaya kong ibigay ko, alam ko sa sarili ko yun.
Minsan nga, pakiramdam ko, sobra-sobra pa.
Pero bakit?
Sana sinabi mo nalang na ayaw mo na,
hindi yung umasa ako sa mga katagang binitawan mo.

Ang tanga ko 'no?
Naniwala kasi ako na baka maging iba ka sa akin.
Marami na ang nagtangkang pagsabihan ako,
"masasaktan ka lang dyan, di yan nakakatagal sa isa."
Hindi ako nakinig.
Pero alam mo yung kahit nasaktan ako dahil hindi ako nakinig,
hindi pa rin ako nagsisising minsan nakilala kita,
minsan napasaya mo ako
at ipinaramdam mong posible akong mahalin
kung sino ako at ano ako.
Hindi ko alam kung totoo ba lahat nang pinakita mo,
pero gusto kong isiping oo.
Yun man lang, maging isang maganda alaala natin.
Salamat kasi minsan pinaramdam mo sa akin
na maaari akong mahalin,
na mayroong isang taong sobrang mahal ako
at nakikita ang kinabukasan kasama ako.

Sayang eh, alam mo yun?
Akala ko kasi sa tuwing nakikita mo ang bukas na kasama ako,
kasiguraduhan na yun.
Hindi pala.
Sayang yung mga pangarap na sabay nating binuo,
ngunit magkahiwalay na nating tutuparin.

Sabi nila,
marami ang namamatay sa maling akala.
Hindi naman pala totoo yun.
Hindi naman ako namatay eh,
nasaktan lang
nang sobra-sobra.

Minahal kasi kita eh.
Masyado akong nagtiwala
sa pangakong walang kasiguraduhan.
Hindi ko naisip na maaaring dumating ang pagkakataong
aayaw ka, mapapagod ka at aalis ka.
Sa madaling panahon,
nalimutan ko kung sino ako noong wala ka na.
Nalimutan ko kung paanong maging ako
nang wala ka sa tabi ko.

Sana lang sinabi mo nalang na,
"may iba na."
Kahit yun lang, sana binigay mo na.
Kahit wala nang dahilan kung bakit may iba na,
basta ba alam ko sana kung bakit biglang
nawala lahat nang meron tayo ng ganon-ganon nalang.
Sana nalaman ko yun nang mas maaga
para di ako naghintay sa wala.
Sana nakiramdam ako para nalaman ko
kung hindi na ba ako yung nagpapabilis ng tibok ng puso mo.

Pero ganon pa man,
masakit man ang marami sa aking mga alaala sa iyo,
salamat.
Salamat dahil pinaramdam mong mahalaga ako,
kahit sa sandaling panahon.
Sa bawat paghawak mo ng kamay ko,
naramdaman kong may silbi ako.
Sa bawat pagyakap mo sa akin,
naramdaman kong may nag-aalala at pumoprotekta sa akin.
Sa bawat pagtitig mo sa aking mga mata,
naramdaman kong mayroong isang taong
nagtuon ng buong atensyon nya sa akin.

Salamat dahil kahit nasaktan ako
ay natuto ako at naging masaya.
Salamat dahil ako ay nasa malayong yugto na
ng aking buhay.
Salamat dahil baon ko ang magagandang alaala
ng nakaraan ng ating pagsasama.
Salamat sa pag-iwan
dahil natuto akong maging matapang
at huwag dumepende sa ibang tao 
para sa kaligayahan at halaga ko.

You Might Also Like

0 comments: