Ang pintuang tumapos
Nakikita pa lamang kitang naglalakadnang palayo mula sa akin,
tinutungo ang pintuan
kung saan matatapos ang lahat,
pakiramdam ko'y hindi na ako makahinga,
hindi na ako makahinga sa sobrang sakit.
Ayoko pang bumitaw,
di ko pa kayang bumitaw,
pero bakit ganon?
Minsan ang mga bagay na nakakasakit sa atin
ang nararapat na gawin?
Sa aking wari'y
tila ako'y isang natutunaw na kandila.
Natatapos ang aking buhay
ng wala akong kalaban-laban,
wala akong magawa
kung hindi hintayin ang aking sarili
na maubos.
Sa iyong pagtalikod pa lamang mula sa akin,
tumulo na ang mga luhang pinipigilan.
Aalis ka na.
Aalis ka na talaga.
Ulit-ulitin ko man sa aking isipan
ay hindi pa rin nawawala ang sakit.
Ang sakit ng ating pagtatapos.
Ang sakit ng ating paghihiwalay.
Ang sakit ng pagkasira ng ating
mga pangarap na sabay na binuo.
Habambuhay kong matatandaan
ang pintuang iyon
na siyang tumapos sa lahat;
sa lahat ng mayroon tayo.
Habambuhay kong maaalala
kung paano ka naglakad palayo sa akin
habang ako'y nagmamakaawa.
Hindi ko pa talaga kaya,
dahil ang iyong pag-alis
ay sumasaksak sa aking pagkatao;
dahil ang aking pagbitiw sa'yo
ay nangangahulugan lamang
ng tuluyang pagkawala mo sa aking buhay.
Nagbabakasaling makinig ka,
maaari bang dumito ka muna?
Dumito ka muna
hanggang makaya kong
ako na mismo ang bumitaw sa'yo,
ako na mismo ang magpalaya sa'yo.
Maaari ba?
Sana'y dumating ang araw
na hindi ko na maaalala ang sakit ng kahapon,
na hindi ko na maaalala kung paano ako
nabasag ng ilang ulit sa iyong pag-alis.
Sana'y balang araw
maintindihan ko na.
Sana'y balang araw
ang maaaring sakit ng iyong hindi pag-iwan
ay higit na sa sakit ng iyong tuluyang pag-alis.
0 comments: